>>SpEcTrUm

Site Navigation

March 6th, 2007

Republika ng Bansang Kinakalawang ang Pag-asa

Posted by timangsageometry at 04:34 PM on March 6, 2007.

Republika ng Bansang Kinakalawang ang Pag-asa
Tanggapan ng sa Tingin Ko’y Maling Tenant ng Palasyo


A-dos ng Pebrero Dalawang Libo at Pito
Alas-siyete singkwenta’y siyete ng gabi



Kagalang-galangang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo,
(Ngunit sinumang gumalang sa iyo ay tanga)

Sumulat ako sa ‘yo dahil wala lang. Trip ko lang magtikatik sa keyboard.

Pero patutunayan kong kahit trippings lang ‘to, eh may mapupulot kang matino. Kaya dapat mas pagtuunan mo ng pansin ang sulat ko kesa sa ibinubulong ng mga animo’y bubuyog mong adviser.

Alam kong mahirap maging Pangulo ng isang bansa, pero mas mahirap maging mamamayan. Lalo na nga kung ikaw ‘yung Presidente.

Sa hindi ko mabilang na pagkakataon, LAHAT NA YATA HALOS NAIPANGAKO MO. Pinakinggan ko lahat ng SONA mo, hindi dahil interesado ako, kundi dahil required kaming gawan ng reaction report ang mga ‘yon sa eskwela. Maganda naman ang pagkakagawa. Sa mga news programs nga inire-report pa nila kung naka-ilang palakpak at standing ovation ang audience habang nagdudumakdak ka. Pero alam mo, hindi namin kailangan ng magandang speech na may malalalim na English words. Ang kailangan namin, MAKITA kung paano mo dinidiskartehang mangyari ang mga pinagsasabi mo.

Nadidismaya ako sa pamumuno mo.

High School pa lang ako, sinusubaybayan ko na lahat ng isyu tungkol sa ‘yo. Nanalo pa nga ako ng 4th place sa isang prestigious na journalism contest nang tirahin kita sa ‘Hello Garci’ issue. Ang bagay na ‘yon, at hindi ang pagtaas ng suweldo ng ate kong nagkakandakuba sa trabaho, ang tinatanaw kong malaking utang na loob sa ‘yo Gloria.

Noon pa lang bawiin mo ang una mong pahayag na hindi ka tatakbo, sira na ang kredibilidad mo sa akin. Mataas ang pagpapahalaga ko sa palabra de honor¸gaya ng maraming Pilipino. At sa pagputok ng eskandalong Hello Garci, lalong nasira ang kredibilidad mo sa paningin ko.

Karapatan kong paniwalaan na hindi ikaw ang dapat nandiyan ngayon. Mas malaki kasi ang populasyon ng mga Pilipinong nanlilimahid, yagit, gutom, maysakit at mahirap pa sa mahirap na bumoto noong 2004 elections. May iba silang ginusto at inidolo. Milyon sila sa bilang, kumpara sa kakarampot na business society ng Makati na sumuporta sa ‘yo. Kaya ngayon, pakikumbinse akong ikaw nga ang nanalo. Pakipaliwanag din ang mga brownout na naganap, ang hindi pagpasa ng election automation bill (dahil kapag may computer, accurate ang pagbibilang, at ayaw mo n’on), at maging ang mga kuwestiyonableng election returns sa mga malalayong probinsiya. Kung akala mong sa pagpapalit ng numero sa kalendaryo eh nakakalimutan ko ang mga bagay na ‘yan na kinasangkutan mo, eeeeeeenggggkkk! Sorry, mali ka. At kahit mag-sorry ka pa ng sampung dosenang ulit, hindi ko matatanggap.

Ang intensyon mo sa Charter Change ay kwestiyonable rin. Bakit gustung-gusto mong maamyendahan ang saligang-batas at gawing parliamentaryo ang anyo ng gobyerno? Buti ba kung naiintindihan ng masang Pilipino kung anu-ano ang mga probisyon sa ChaCha, pero HINDI! Dahil ni hindi mo ipinaliliwanag… kung may mabuti ka mang intensyon. Bakit, natatakot ka bang baka may maintindihan kami? Ano bang mas matimbang, ‘yung sinumpaan mong tungkulin o pagpapahaba ng termino?

Ang Subic Rape Case na pinagpiyestahan ng buong bayan ay isa rin sa mga marami mong palpak. Sa sarili kong opinyon, hindi guilty si Lance Corporal Daniel Smith, dahil may sala sa mga kwento ni Nicole at weirdo ang mga salaysay niya. (Pero ibang storya na ‘yon) Ngunit, nang ibaba ng korte ang hatol, wala na akong sinabi pa. Nag-aral ng sampung taong mahigit sa mga batas ang hukom na humawak sa kaso, kaya mas dapat paniwalaan ang desisyon niya kaysa sa palagay ko.

Ang ikinagagalit ko sa iyo, ay ang hindi mo pagrespeto sa hatol ng sarili nating batas. Binalewala mo ang sintensyang ipinataw ng hukuman nang ipalipat mo ng kustodiya si Smith. Ngayon, iba na ang kuwento. Hindi na ito tungkol sa panty ni Nicole, kundi sa Pangulong walang sariling paniniwala at PAGGALANG sa Justice System ng kanyang bansa.

At ‘wag mong irarason sa akin ang Visiting Forces Agreement, dahil lalong tumitingkad sa akin ang kulay ng argumentong tuta ka ng Kano.

MassComm ako. Kaya kritikal mag-isip. Mapag-obserba, mapanuri. Isang gabing inaatake ako ng insomnia, nabuksan ko ang T.V. sa isang documentary ng Probe. Doon ko nalaman ang tungkol sa isang kaparehong isyu na nangyari sa Japan. Isang Amerikanong sundalo rin ang nang-abuso sa isang Haponesa. Iginiit din ng Amerika ang paglipat ng kustodiya ng Amerikano sa kanila dahil may sariling bersyon ng V.F.A. ang dalawang bansa. Pero nagmatigas ang mga Hapon. Sa katapus-tapusan, nakulong ang sundalong ‘yon sa Japan, at humingi ng tawad si George Bush sa kanilang Prime Minister (Na nakalimutan ko kung anong pangalan).

Sa analysis ko, imposibleng mag-sorry si Bush sa ‘yo sa parehong sitwasyon. Nakita niya kasi na sarili mong ka-ugat ay kaya mong talikuran, ‘wag lang masira ang pagkakaibigan niyo ni Uncle Sam. ‘Di tulad ng Prime Minister na ‘yon na sinasaluduhan ko sa kanyang paninindigan. Nakakahiya ka.

Subject ko ngayon ang Philippine Constitution and New Government. Pinagtitiyagaan kong memoryahin ang bawat linya ng bawat section ng baaaaaaawat article ng mga batas, hindi dahil may mahihita ako dun, kundi dahil kailangan kong maka-uno sa bawat subject ko at maging dean’s lister. Sa ganoong paraan lang ako makakapag-aral dahil may scholarship. Kung mahihinto ako at ‘di makakapagtapos, baka maging salot lang ako ng lipunan at maging isa sa mga walang trabaho, pampadagdag sa populasyon ng mga mahihirap pa sa mahirap na iniisnab mo lang.

Balik sa usapan. Sa pag-aaral ko ng Konstitusyon natin, meron akong naging kongklusyon. Magaganda ang pagkakagawa ng mga batas natin. Astig ang sentence structure, talagang kapakanan ng masa ang nakalagay sa mga probisyon. (Wow, positive!) Kaso may kabig agad na negatibo. Ang problema kasi sa atin, NAPAKARAMI NATING BATAS! At dahil napakarami, kahit mga mambabatas mismo nalilimutan na ang mga ito. Bukod pa doon, nawawalan tuloy ng interes ang mga taong alamin at intindihin pa ang mga ito, dahil anong saysay? Hindi rin naman nila nakikitang naipapatupad.

Gloria, maaaring isa kang Harvard graduate at batikang ekonomista, habang ako naman, isang estudyante lang sa ngayon. Pero sana, makinig ka rin sa akin, dahil pinamumunuan mo ako, sa ayaw at sa gusto ko.

Bukod sa akin, makinig ka rin sa mga magsasakang walang lupa, sa mga kargador sa palengke, sa mga nabibiktima ng krimen, sa mga kawawang driver, sa mga underpaid na guro, sa mga residenteng walang suplay ng tubig, sa mga biktima ng iba’t-ibang kalamidad, sa mga nanlilimos sa kalsada at sa mga nanay na walang maihain sa hapag nila kung hindi Lucky Me noodles.

MAKINIG KA SA KANILA GLORIA. ‘Wag lang sana sa mga naka-coat and tie na tao ng business world, kundi lalong higit, sa mga kababayan mong kahit gapok na ang damit, marusing at kumakalam ang sikmura, ay nagtiwalang may magagawa ka para sa kanila.

Konting respeto. Konting paggalang. Konting pagtanaw ng utang na loob.

Lubos na hindi gumagalang sa ‘yo hangga’t
hindi mo iginagalang ang bayan mo,

Mikhaella Buenzalido Maparan

~~~~~~~~~~
02 February 2007 07:57 PM

Sa wakas, naging proud na naman ako sa sarili ko sa muling pagsulat ng mga ganitong klase ng artikulo. Nami-miss ko ang mga araw na almusal ko si Conrado de Quiros, tanghalian si Max Soliven, at hapunan si Mike Enriquez.

Iniaalay ko ito kay Manong Driver na minsang naka-tsikahan ko isang hapong pauwi ako. Nilitanyahan niya kasi ako kung gaano kahirap kapag hindi nakapagtapos, at naramdaman ko talagang nanghihinyanag siya sa mga hindi niya natupad na pangarap. Idinetalye niya rin ang mga hirap niya sa pagpapa-aral ng labingwalo niyang anak. Muntik akong lumagpas sa bababaan ko sa pakikinig kay Manong. (“,)

“Samantala, wala pa ring malinaw na lunas para sa sakiting bansa. Walang pumapansin sa nag-aapoy nitong lagnat, at walang gustong magbigay ng gamot.”

- Bob Ong, Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?

Opinyon?

« Newer | »

Site powered by Tabulas.